Break Up Lines


**Calachuchi Bahaghari went from being “In a relationship” to “Single”**.

Sabay may drawing ng isang maliit na puso sa dulo. Isa sa mga post na
lintik kung makatawag ng atensyon. Lalo na kung kilala mo ang taong yun at
ang jowa niya. Tipong sumikat ang love team nila dahil sa maka-diabetes na
ka-sweetan. Couples shirt kung saan ang nakaprint ay mukha ng bawat isa.
Holding hands while kumakandirit. Magkadikit na pisngi ang profile pic nila
sa FB. I love you messages sa text, sa call, sa twitter, sa status, sa
email, sa YM pati na din sa telegrama. Cherry nalang sa kanilang mga
bun-bunan ang kailangan, pwede na silang panghimagas.

Don't get me wrong. Walang masama dun. In fact, hanga ako sa mga taong
hindi alintana ang iba sa pagpapadama ng kanilang pag-ibig. Pero paano kung
biglang matapos ang dating akala mo ay walang hanggan? Paano kung naglasang
hilaw na bayabas ang dating sintamis ng bukayo? Paano kung naihipan ng
malakas na hangin ang apoy? Paano na kung wala na kayo?

Okey lang siguro kung mutual ang decision. Tamang “apir” lang, naka move on
na kayo pareho. Parang walang nangyari. Pero paano kung siya ay kumakanta
na ng “ayawan na! ayawan na!” samantalang ikaw ay nagtatago parin sa likod
ng punong mangga dahil akala mo, tuloy pa ang laro niyo nang tagu-taguan.

Katatapos ko lang panoorin ang 500 days of summer. Ulit. Isa sa mga
pinakamatingkad na eksena dun e nung nakipagbreak si Summer kay Tom. Medyo
brutal. Biglaan. Ni walang ideya ang lalake na yun na ang katapusan. Nakuha
pang kumain ng pancake ni Summer habang dahan-dahang lumulubog ang puso ni
Tom papunta sa kanyang baga. Sabagay, bumawi naman si babae ng sabihing
“Dont go, you're still my bestfriend”. Ayos. Parang sinubukan mong
pagdikitin ang basag na plato gamit ang madikit na kanin sa kaldero.

May tama bang paraan o linya sa pakikipaghiwalay?

Heto ang ilan sa kanila:

1. IT’S NOT YOU, IT’S ME - Anak ng hilaw na sayote. Isa sa pinaka lumang
litanya. Sa sobrang luma nito, pwede na siyang itabi sa “I shall return” ni
Mcarthur. Kung may iba pang chicks noon, malamang ito ang ginamit ni Adan
para makipagbreak kay Eba. Ikaw naman pala ang may problema, bakit sakin ka
nakikipaghiwalay? E di dapat ang iwanan mo e yang sarili mo. Schizo kaba o
naka coccaine?

2. YOU’RE TOO PERFECT FOR ME - Applicable lang ito dun sa mga jowa na halos
nasa kanila na ang lahat. Gwapo/Maganda. Matalino. Mayaman. May magandang
career. Magaling sa sports. May alam sa music. May sense of humor. Mabait.
Samakatuwid. Noong umulan ng magagandang katangian, may dala siyang
planggana. Siya lang ata ang anak ng Diyos. Hindi ito pwede sa bf/gf mong
ex-con o drug pusher.

3. IT’S NOT WORKING - Isa sa pinakamalabo. Bakit “not working”?. Sira ba
tayo na parang alarm clock na hindi tumutunog? O cellphone na hindi
nakakareceive ng call kahit may signal? Ano? Kelangan bang palitan ang mga
battery natin?

4. MAYBE WE’RE NOT MEANT TO BE - Naks. Paano mo naman nasabi yun? Dahil ba
hindi tayo nagtagpo sa ilalim ng gabi na puno ng bituin? Dahil ba magkaiba
ang sinagot natin sa compatibility quiz sa internet? Dahil ba vegetarian ka
at nasusuka ako sa chopsuey? O dahil ayon sa horoscope e hindi tugma ang
mga zodiac sign natin? Diba may bagong sign na nadagdag? Icheck mo ulit.
Baka this time. Meant to be na.

5. I THINK WE WOULD BE BETTER OFF AS FRIENDS - Sabagay. Kaya nga kita
hinahatid sundo araw-araw. Kaya kita dinadalaw sa bahay niyo. Kaya kita
tinetext ng iloveyou bawat oras. Kaya nga kita nililibre ng sine at dinner
linggo-linggo. Kaya kita nireregaluhan ng alahas at sapatos kahit wala na
akong makain. Kasi alam ko, sa bandang huli, FRIENDS parin tayo. Pakyu.

6. I’M NO LONGER HAPPY - Bakit? Teka. May mga bago naman akong knock-knock.
Promise, di ko na uulitin yung joke tungkol sa contest ng hapon, intsik at
pilipino sa pagpapalakasan ng putok. Mag-aaral ako ng juggling. Matuto din
akong mag-magic.Magpaparetoke ako para maging kamukha ni Mr. Bean.

7. I FELL OUT OF LOVE - Asan? Baka pwede pang damputin? Pag-pagan lang
natin. Wala pa namang 5 minutes o dumaan na eroplano.

8. I NEED SPACE - Isa pang malabo. Bakit? Buong araw ba tayong naglalakad
sa isang masikip na eskenita? Pero kung gusto mo talaga ng space, halika,
ilalaglag kita sa gitna ng Pacific Ocean.

9. MAYBE IT’S NOT THE RIGHT TIME - Parang linya lang sa kantang “Somewhere
down the road”. We had the right love at the wrong time. Teka. Kelan ba ang
tamang panahon? Pwede bang sabihin mo para mai-ekis ko sa kalenaryo namin?
Siguro naniniwala siyang magugunaw na ang mundo sa 2012.

10. I HAVE A DIFFERENT SET OF PRIORITIES - Sinabi ko bang umabsent ka sa
trabaho para makapamasyal tayo sa Luneta? Binabawasan ko ba ang sahod mo na
parang SSS at PAGIBIG? Kinumbinsi ba kita kahit minsan na iwanan ang
pamilya mo at magpalit ng career bilang suicide bomber?

11. I DON’T SEE MY FUTURE WITH YOU - Ok lang sakin to. May lahi pala sila
ng manghuhula. Itanong mo ang kombinasyon na tatama sa lotto bago ka umuwi.

12. YOU’RE NOT THE ONE - Patay tao diyan. Solid hit ito. Kumbaga, hindi
ikaw ang tamang susi para sa isang kandado na tulad niya. So hindi bubukas.
Hayaan mo na. Tandaan, ang mga kandado ay bagay lamang sa bilibid.

13. WE’RE TOO SIMILAR - Hala. Sobra naman daw ang compatibility niyo.
Nagiging predictable at boring na ang relasyon. Hayaan mo na, tanggapin mo
nalang pag sinabihan ka ng ganun. Sabay regaluhan mo ng aso. Pakasalan niya
kamo. Ewan ko lang kung maging “too similar” pa. Hayop yun. Tao siya.

14. WE’RE TOO DIFFERENT - Sala sa init. Sala sa lamig. Masyado naman kayong
magkaiba kaya daw hindi nagwowork. Ano bang gusto ng BF mo? Parehas kayong
may bigote? Ano ba gusto ng GF mo? Pareho kayong gumagamit ng sanitary
napkin?

15. YOU DESERVE SOMEONE BETTER - Bakit? Higanteng teddy bear ba ako na
premyo sa Timezone at kulang ang ticket na napanalunan mo?

16. WE’VE GROWN APART - Ano tayo? Sanga ng punong acacia?

17. I DON’T SEE MYSELF IN A RELATIONSHIP RIGHT NOW - Tang ina ka. Bakit
ngayon mo lang sinabi??

18. WE SHOULD CONSIDER OTHER OPTIONS - Aruy. Sabagay, kung sa carinderia
nga, di pwedeng puro adobo nalang ang ulamin mo. Try mo din yung piniritong
isda na kahapon pa naghihintay na may bumili.

19. MAYBE THERE’S SOMEONE ELSE FOR BOTH OF US - Oo naman. Gusto mo ireto
kita sa tropa ko? Si Jograd. Mabait yun. Kalalabas niya lang ng manila city
jail. Rape with murder ang kaso. Magkakasundo kayo. Try mo lang. Ano ngayon
kung puro tattoo sa braso? Art yun. And dont judge a book by its cover.

20. WE’RE NOT THE SAME PEOPLE AS WE WE’RE BEFORE - Ibig sabihin di na siya
tao. Bampira na siya. O werewolf na may six pack abs.

Umpisa palang yan. Syempre may secondary ammunition pa.

1. I HOPE WE COULD STILL BE FRIENDS - Oo naman. Buburahin nga lang kita sa
Facebook, Twitter at cellphone ko. Susunugin ko din mga litrato mo para
gawing bonfire. At wag na wag kanang dadaan sa bahay. Bibili ako ng bagong
aso. Yung hindi ka kilala. Para lapain ka kung sakaling maligaw ka samin.
Pero friends parin tayo.

2. I STILL CARE - ibig sabihin nito, wag mo daw bawiin yung mga mamahaling
gamit na niregalo mo sa kanya.

3. I LOVE YOU, BUT IM NOT IN LOVE WITH YOU - Astig. Nakuha niyang durugin
ang puso mo ng pinong-pino na tila pulbos ng espasol dahil lang sa salitang
“IN”. Kahit sa scrabble hindi pwede yun eh.

4. I WILL TREASURE YOU FOREVER - Ako din, i will treasure you forever.
Pwede ko bang hingiin ang bungo mo para gawing souvenir??

5. YOU WILL REALIZE THAT IT’S FOR THE BETTER - Siguro nga. Dadating ang
panahon na matatangap ko din. Salamat ha. For the mean time, pwede ba
kitang saksakin ng bread knife sa leeg? Pang-alis stress lang.

6. YOU’RE LIKE A BROTHER/SISTER TO ME - Kung trip mo ding halikan ang
kapatid mo tulad ng ginagawa natin. Patingin ka sa psychiatrist.

7. IT’S NOT THAT THERE’S SOMEONE ELSE (FOR NOW) - Wala naman daw siyang
iba. as of this moment. habang kausap ka niya at mahigpit ang hawak mo sa
tinidor at kutsilyo.

8. IT’S OVER, PLEASE UNDERSTAND - Oo nga naman. Intindihin mo siya. Mukhang
hirap na hirap si gago sa pinagdadaanan niya. Sana maintindihan ka rin niya
pag sapilitan mo siyang pinainom ng insecticide.

9. MAYBE IT’S STILL US IN THE FUTURE - Astig. Pansamantala muna niyang
dudukutin ang puso mo at ilalaglag sa blender. Tapos ibabalik niya sa'yo
ang baso ng dinuguan shake kalakip ang pag-asa na baka bukas o sa kabilang
buhay e magiging kayo uli. Sarap no.

10. YOU’RE STILL MY BEST FRIEND - The best. Ayaw mo nun? Bestfriend ka pa
rin niya? So ibig sabihin, ililibre mo parin siya at obligado kang
magregalo tuwing may okasyon. Anong kapalit? Ikaw lang naman ang unang
makakaalam kung sino ang bago niyang jowa. Ikaw din ang unang makakarinig
ng mga “sweet moments” nila nung ipinalit sayo, habang busy ka naman sa
paghihigpit ng tali sa iyong leeg na nakasabit sa ceiling fan.

Pagkatapos mong palitan ang pangalan niya sa phonebook bilang Lucifer,
gawing scratch paper ang mga sulat niya pag math exam, idikit ang picture
niya sa mga wanted posters, ituro siya bilang prime suspect sa holdapan ng
mga computer shop, idelete sa mga social networking sites, ipagkalat na
ipinanganak siyang may buntot na parang unggoy. Aminin mo. Ilang beses mo
paring chinecheck ang profile niya sa FB gamit ang isang dummy account.
Natural lang yun. Alangan namang maghanda ka pa ng pansit at biko dahil
iniwan ka ng jowa mo. Di madaling lumimot. Pero lilipas din yan. Parang
gutom. Mahapdi sa simula. Pero nawawala din. Dadating ang oras, matatawa ka
nalang kung bakit mo pinagaksayahan ng luha ang gung-gong na yun.

Siguro wala namang swabeng linya na aaktong parang anaesthesia. Mabango
lang sa pandinig ang ilan. Pero pag narealize na ng utak kung anong nais
mong sabihin (depende kung slow ang pinagsabihan), iisa lang ang resulta
noon. Konting respeto lang ang kailangan. Kung pwedeng personal, wag nang
daanin sa text o tawag. Mas malala kung missed call lang. Ano yun? May
secret code kayo? “Love, pag nag missedcall ako sayo ng 13 times, ibig
sabihin nun, break na tayo ha??, love you muah!!”.



Hindi lahat ng nakipaghiwalay sa kanilang mga karelasyon at manloloko. At
hindi lahat ng nanatili sa kanilang “relationship status” ay matino.

Ang nabigong pag-ibig ay parang sugat. Patakan mo ng kalamansi. Para di ka
maiputan ng ibong adarna.

**Reposted**

Comments

Popular Posts